Nakapagtala na ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) ng 10 kaso ng COVID-19 sa kanilang tanggapan.
Nabatid na sinuspinde ng PCOO ang trabaho nito mula July 21 hanggang July 26, 2020 para bigyang daan ang testing sa close contacts at disinfection ng kanilang opisina sa New Executive Building sa loob ng Malacañang compound.
Ayon kay PCOO Secretary Martin Andanar, nasa dalawa ang aktibong kaso sa kanilang main office at nasa isa na ang namatay sa sakit.
Kumuha rin siya ng COVID-19 test at malalaman ang resulta sa loob ng 48 hanggang 72 oras.
Nasa dalawang empleyado naman na nakatalaga sa Radio Television Malacañang (RTVM) ang nagpositibo sa virus.
Nagpositibo rin sa COVID-19 ang dalawang empleyado ng Philippine Information Agency (PIA) habang may isang manggagawa rin ang tinamaan ng virus mula sa People’s Television Network (PTV).
Nakapagtala rin ng isang kaso sa APO Production Unit, at mayroon isa ring naitalang namatay.
Inaasahang magbabalik ang trabaho sa PCOO sa Lunes, July 27, 2020, kasabay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.