
Kasado na ang deployment ng Philippine National Police (PNP) para sa gaganaping ikatlong Trillion Peso March ngayong buwan ng Pebrero.
Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Jose Melencio Nartatez Jr., aabot sa kabuuang 11,498 pulis ang ide-deploy sa Pebrero 22 at 25.
Gaganapin ang rally sa People Power Monument at EDSA Shrine, na inaasahang dadaluhan ng hanggang 50,000 delegado bawat araw.
Ayon kay NCRPO Director PMGen. Sidney Hernia, wala namang namo-monitor na banta sa ngayon ang pulisya, ngunit nananatili silang nakahanda sa posibilidad na may iba pang grupong magsagawa ng hiwalay na rally sa mga nasabing araw.
Kaugnay nito, inaasahang magtataas ng alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) upang matiyak ang kaayusan at seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng pagtitipon.









