Manila, Philippines – Aprubado na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang dagdag na dalawang piso sa minimum na pasahe sa pampasaherong jeep.
Ibig sabihin, sampung piso na ang magiging pasahe sa jeep.
Kaugnay ito ng petisyon ng ilang transport group na gawing P12 ang pamasahe sa jeep dahil na rin sa sunod-sunod na oil price increase.
Pero sa halip na dose pesos, P10 minimum fare lang ang pinayagan ng board.
Pirmado nina LTFRB Chairman Martin Delgra at Engr. Ronaldo Corpuz ang nasabing desisyon.
Bagama’t pumirma rin si LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, nagpahayag naman siya ng dissenting opinion o pagkontra hinggil dito.
Samantala, magiging epektibo ang P10 minimum fare, 15 araw matapos itong mai-publish sa dyaryo.
Ibig sabihin, kung bukas na ito mailalabas sa mga pahayagan, pwede nang maningil ng P10 na pasahe ang mga tsuper sa Nobyembre.