Sa harap ng pagka-alarma sa mga kaso ng red-tagging ay inihain ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Senate Bill 2121 o Act Defining and Penalizing Red-Tagging.
Target ng panukala na gawing krimen ang red-tagging upang mapunan ang legal gaps, masolusyunan ang impunity at magkaroon ng accountability.
Itinatakda ng panukala na makulong ng 10 taon at madiskwalipika sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang sinumang mapapatunayan na guilty sa red-tagging.
Tiwala si Drilon na kapag naisabatas ang kanyang panukala ay babaligtarin nito ang pataas na kaso ng human rights violation.
Sabi ni Drilon, daan din ito para matuldukan ang pag-atake sa mga miyembro ng legal profession tulad mga abogado at hukom.
Dagdag pa ni Drilon, ang kanyang panukala ay paalala rin sa mga nasa gobyerno na gampanan ang kanilang pangunahing tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang publiko.