100 bahay sa Ilocos Sur, totally damaged sa magnitude 7 na lindol; restoration sa heritage sites, aabutin pa ng isang taon

Umabot na sa halos 100 bahay sa lalawigan ng Ilocos Sur ang napaulat na nasira dahil sa magnitude 7 na lindol sa Abra noong Miyerkules.

Ayon kay Ilocos Sur Governor Jerry Singson, mula ito sa 32 mga bayan at dalawang lungsod na naapektuhan ng lindol kung saan pinakamalaking pinsala ay naitala sa Vigan City.

Kaugnay nito, prayoridad aniya ng provincial government na matulungan sa pagpapatayo ng mas matibay na bahay ang mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa lindol.


“Meron po na almost 100 houses na, na totally hindi pwedeng tirahan. ‘Yan naman po ay priority, sapagkat yan ang sinabi sa atin ni Pangulong Bongbong Marcos na itong pamimigay ng ano, pag-aayos ng tirahan ng mga nawalan ng tirahan ay yan ay uunahin naming bigyan,” ani Singson sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.

“Marami rin silang kasamahan sa evacuation center, [yung ang bahay] ay partially damaged din, kailangang ma-inspect muna ang kanilang mga bahay bago sila pabalikin,” dagdag ng gobernadora.

Samantala, ayon kay Singson, posibleng abutin pa ng isang taon bago matapos ang pagsasaayos sa mga nasirang heritage site sa Ilocos Sur.

“We are really hoping na within one year. Kasi yan po ang pinag-uusapan namin na kailangang sa pinakamabilis ay mai-restore natin itong heritage natin kasi yan po lang ang aming pinagmamalaki dito sa Ilocos Sur, dito sa Vigan. ‘Yan ang pinaka-main attraction namin dito sa turismo” saad pa ni Singson.

“Nakausap ko naman po nang personal ang ating pangulo, si Bongbong Marcos. Nangako naman po siya na magpapadala siya ng mga expert na titingin dito sa aming mga damages, lalong-lalo na sa mga heritage.”

Facebook Comments