
Ipinauubaya na ng Malacañang sa Kongreso ang pagtalakay at pagdedesisyon sa panukalang ipawalang-bisa ang Oil Deregulation Law, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa gitna ito ng panawagan ng ilang grupo at eksperto na muling pag-aralan ang batas, lalo na sa harap ng tumataas na presyo ng langis na dulot ng tensyon sa Middle East, na pangunahing pinanggagalingan ng suplay ng bansa.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, nasa mga mambabatas ang pagsusuri kung makabubuti sa bansa ang pag-repeal ng umiiral na batas.
Bukas naman aniya ang pangulo na suportahan ang anumang hakbang kung mapatutunayang makakatulong ito upang mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, hawak ng mga kumpanya ng langis ang kapangyarihang magtakda ng presyo nang hindi na kailangan ng pahintulot mula sa pamahalaan.










