100 indibidwal sa Hospicio de San Jose sa Maynila, tinamaan ng COVID-19

Patuloy na nananawagan ng tulong ang pamunuan ng Hospicio de San Jose sa lungsod ng Maynila matapos na tamaan ng COVID-19 ang higit sa 100 indibidwal na nananatili sa loob ng pasilidad.

Sa impormasyon na ibinahagi ni Sister Maria Socorro Pilar Evidente, ang administrator ng Hospicio de San Jose, nasa 103 ang kabuuang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 ang kanilang tinututukan sa ngayon.

Sa nasabing bilang, 49 ay pawang mga bata, 21 ang nakakatanda at 33 ang empleyado.


Tatlo sa mga pasyente na pawang senior citizen ang kasalukuyan nasa hospital para sa kaukulang medical attention.

Sinabi pa ni Sister Evidente, hindi nila matukoy kung saan nagmula ang hawaan ng COVID-19 sa loob ng Hospicio gayung naka-lockdown sila simula pa noong March 2020.

Aniya, posibleng ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay nagmula sa kanilang mga personnel na lumabas ng Hospicio para sa kanilang medical at dental appointments noong huling linggo ng June kung saan karamihan ay nagpositibo sa virus.

Nasa 450 ang bilang ng mga indibidwal na nasa loob ng Hospicio pero nasa higit 50 lamang sa kanila ang nabakunahan sa tulong ng Manila Health Department.

Tumutulong naman ang Department of Health (DOH) sa pamunuan ng Hospicio de San Jose kung saan naghahanap na sila ng pasilidad para pagdalhan ng ibang pasyente nito na tinamaan ng COVID-19 upang hindi na magtuluy-tuloy ang hawaan ng virus.

Sa mga nais magbigay ng tulong pinansyal, maaaring mag-deposit sa BPI M.H. Del Pilar branch sa account number 8103-0986-62 o kaya sa Metrobank UN Avenue branch sa account number 175-3-17550678-1.

Maaari ring makipag-ugnayan sa numerong 8734-2366 at 0908-8650251 o kaya sa kanilang website na hospiciodesanjose.ph.

Facebook Comments