100% suplay ng kuryente sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Ulysses, target maibalik sa loob ng tatlo hanggang apat na araw

Target ng Manila Electric Company (Meralco) na maibalik ang 100% suplay ng kuryente sa mga lugar na tinamaan ng Bagyong Ulysses sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.

Ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, minamadali na nila ang pagsasaayos sa mga pasilidad nilang sinira ng malakas na hangin at ulang dala ng bagyo.

Sa ngayon, nasa higit 500,000 customer pa ang walang suplay ng kuryente mula sa 3.8 milyong naitala kahapon.


Higit 300,000 rito ay mga customer ng Meralco sa Bulacan.

“Talagang ‘yong damage sa aming facilities pati ‘yong impact sa aming mga linya, mga transformer, mga poste and it came to a point na ‘yon nga, inabot ng almost 3.8 millioon customers ‘no. ‘Yong baha, hindi tayo maka-restore agad. So we will try. Pero ‘yong mga ganitong cases kasi inaabot usually dati ng ilang linggo, so hopefully ito before one week,” ani Zaldarriaga sa panayam ng RMN Manila.

Samantala, maliban sa mga linya at poste ng Meralco, nasa 44 na transmission lines din ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang nasira dahil sa bagyo.

Pero ayon kay NGCP Spokesperson Patricia Roque, walo na lang dito ang patuloy nilang inaayos.

Bukod dito, nagpapatuloy rin ang restoration ng NGCP sa mga transmission lines nito na naapektuhan din ng Bagyong “Rolly” sa Bicol Region.

“Nasa walo na lang po ‘yong ongoing ‘yong restoration po. Hindi pa po ma-restore ‘yong ibang lines na ‘yon dahil nga po flooded po ‘yong lugar. Ongoing din po ‘yong restoration natin d’yan sa mga areas na naapektuhan ng Bagyong Rolly, partikular sa area ng Albay. Actually, we’re hoping po na bago matapos ang buwan ay tapos na rin po ang restoration sa Bicol area,” ani Roque sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments