1,000 MANGINGISDA, NAKATAKDANG MAGING BENEPISYARYO NG HOUSING PROJECT SA BOLINAO

Mahigit 1,000 pamilya ng mangingisda sa Bolinao ang nakatakdang maging benepisyaryo ng isang housing project ng lokal na pamahalaan na layong mailipat sila sa maayos at permanenteng tirahan.

Itatayo ang fisher’s housing village sa 18 ektaryang reclaimed area malapit sa pantalan sa Barangay Arnedo.

Ayon sa pamahalaang bayan, ang proyekto ay para sa mga pamilyang kasalukuyang naninirahan sa informal settlements sa baybayin.

Sinimulan na ang paghahanda ng lupang pagtatayuan gamit ang ₱35 milyong pondo mula sa ipon ng lokal na pamahalaan, at nakahanda na rin ang mga kinakailangang permit para maipagpatuloy ang proyekto.

Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaan sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang makakuha ng karagdagang pondo para sa pagpapatayo ng mga bahay.

Bawat unit ay isang palapag na may sukat na humigit-kumulang 60 metro kuwadrado. Target na ipatupad ang abot-kayang hulog na nasa ₱300 kada buwan sa loob ng 25 taon upang matiyak na kakayanin ito ng mga benepisyaryo.

Bahagi rin ng layunin ng proyekto ang pagtugon sa mga isyu sa kaligtasan, kaayusan ng komunidad, at pagpapabuti ng baybayin na mahalaga sa turismo ng bayan.

Ayon sa pamahalaang lokal, hindi maaaring ibenta ang mga unit ngunit maaari itong ipamana sa mga anak upang matiyak ang pangmatagalang seguridad sa paninirahan ng mga benepisyaryo. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments