Dumating na sa bansa ang 100,000 doses ng Sputnik V vaccines na binili ng pamahalaan mula sa Russia.
Ito na ang pinakamalaking single shipment ng Russian COVID-19 vaccine na dumating sa bansa.
Lulan ang mga bakuna ng Qatar Airways flight QR928 at lumapag sa NAIA Terminal 3 pasado alas-11:00 ng gabi.
Mula sa eroplano, inilipat ang vaccine shipment sa mga container trucks at idinala sa cold storage facility ng PharmaServ Express Inc. sa Marikina City.
Sinalubong ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at Russian Ambassador to the Philippines Marat Pavlov ang pagdating ng mga bakuna.
Dahil sa sensitibo ang mga bakuna pagdating sa cold chain requirement, sinabi ni Galvez na ang Sputnik V vaccines ay ilalaan lamang sa NCR plus 8.
Pagtitiyak naman ni Galvez na ang mga local government units (LGUs) sa Visayas at Mindanao na nakakaranas ng surge ng COVID-19 cases ay makakatanggap ng supply mula sa mga naunang ipinadalang bakuna.
Kinabibilangan ito ng isang milyong doses ng Sinovac at 2.28 million doses ng Pfizer na dumating sa bansa noong June 10.
Sa ngayon, ang total vaccine supply sa Pilipinas ay umaabot na sa 12.7 million.