100,000 na mga dating rebelde na kukuha ng amnesty program ng pamahalaan, dapat tiyaking mabibigyan ng trabaho

Pinatitiyak ni House Committee on Labor and Employment Chairman at Rizal 4th District Representative Fidel Nograles sa pamahalaan na mabibigyan ng disente at matatag na trabaho o pagkakakitaan ang mga dating rebelde.

Mensahe ito ni Nograles makaraang ihayag kamakailan ng National Amnesty Commission na tinatayang aabot sa 100,000 mga dating rebelde ang kukuha ng amnesty program ng pamahalaan na karamihan ay inaasahang magmumula sa Moro Islamic Liberation Front at Moro National Liberation Front.

Ayon kay Nograles, kailangang maging sapat ang suporta para sa mga dating rebelde upang makabalik sila sa kanilang pamilya at komunidad na puno ng pag-asa at maiwasan na muli silang sumabak sa armadong pakikibaka laban sa gobyerno.


Bunsod nito ay binigyang-diin ni Nograles ang kahalagahan na mapalago ang agrikultura at mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain, pagandahin ang kalidad ng edukasyon at healthcare, at lumikha ng trabaho para tuluyang masugpo ang insurhensiya sa ating bansa.

Facebook Comments