Mabibigyan na ng ayuda ang 100,000 pang overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, sa ilalim ng programa ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Inanunsyo ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) chief Hans Leo Cacdac ang pagpapatuloy ng assistance program para sa displaced OFWs matapos magbigay ng karagdagang P1 billion ang Department of Budget and Management (DBM).
“Starting this coming week ay ilalarga na natin itong pagpapatuloy, parang part three, ng DOLE-AKAP (Abot Kamay ang Pagtulong),” hayag ni Cadac noong Sabado.
Sa naturang programa, makatatanggap ng isang bagsak na $200 o P10,000 ang bawat kwalipikadong OFW.
Nauna nang nakapamahagi ang ahensya ng P2.5 bilyon na napakinabangan ng nasa 200,000 migrant workers.
Habang higit 550,000 pa ang pending na aplikasyon sa DOLE ngayong buwan, mula sa mga OFW na nakauwi na sa bansa o abroad pa.