102 Empleyado ng CVMC, Nagpositibo sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) Chief na si Dr. Glenn Matthew Baggao na nagpositibo sa COVID-19 ang 102 empleyado ng pinakamalaking referral hospital sa rehiyon dos.

Nilinaw naman ng CVMC Chief na ang mga nahawa sa virus ay mga office staff nito, kung kaya’t hindi naman apektado ang operasyon ng Covid ward ng nasabing pagamutan.

May ilan naman aniyang health workers na nagpositibo ngunit hindi ito nahawa mismo sa line of duty.


Ipinaliwanag din ni Dr. Baggao na hindi nakuha ng mga healthworkers ang virus sa ospital dahil kasama na sa kanilang protocol na bago sila umuwi sa kanilang tahanan pagkatapos ng kanilang duty ay sumailalim muna ang mga healthworkers sa RT-PCR test.

Pagbalik muli sa trabaho, kanila muling sinusuri ang mga healthworkers kaya’t napag-alaman na ang ilan sa mga ito ay na-infect ng COVID.

Ibig sabihin, ani Dr. Baggao, ito ay kanilang nakuha mula sa labas o sa komunidad, lalo pa at napakabilis ng community transmission ngayon ng Covid-19 sa siyudad ng Tuguegarao.

Inihayag din ni Dr. Baggao na mahigpit ang pagsunod ng ospital sa guidelines ng skeleton workforce habang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) pa ang Tuguegarao City.

Iginiit pa ng Hepe ng CVMC na hindi apektado ang operasyon ng COVID ward dahil patuloy pa rin ang pag-asikaso ng mga health workers sa mga pasyente sa kabila ng paglobo ng bilang ng mga ito sa mga nakalipas na araw.

Batay sa pinakahuling datos ng ospital, umakyat sa 282 ang kabuuang dami ng Covid-19 patients, kung saan 174 dito ay mula sa Tuguegarao City.

Facebook Comments