10K KADA BUWAN | NEDA, pinahihingi ng paumanhin sa publiko

Manila, Philippines – Pinahihingi ng paumanhin ng isang Partylist solon ang National Economic Development Authority o NEDA sa publiko matapos na ihayag na mabubuhay ng maayos at hindi maikukunsiderang mahirap ang pamilyang may limang myembro na kumikita ng P10,000 kada buwan.

Payo ni 1-ANG EDUKASYON Partylist Rep. Salvador Belaro, dapat mag-isyu ng public apology si NEDA Sec. Ernesto Pernia upang maibalik muli ang tiwala ng publiko sa ahensya.

Matatandaang umani ng kaliwa`t kanang batikos mula sa taumbayan ang NEDA dahil sa `insensitive` na pahayag na above poverty threshold ang pamilyang may sahod na P10,000 kada buwan o P25.56 sa bawat myembro sa kada araw.


Iginiit ng kongresista na ngayon pa lamang ay ayusin na ng NEDA ang nilikhang problema sa pamamagitan ng pag-amin sa pagkakamali sa pagintindi at pagpapaliwanag sa mga datos at hanggat maaari ay iwasan na ang pangangatwiran.

Mainam din aniya kung titiyakin ng NEDA na mismong ang mga opisyal ang aaayos sa naging problema.

Inaasahan ni Belaro na gagawin ng NEDA ang pagso-sorry sa mga susunod na araw ngayong bumalik na sa bansa mula sa kanyang overseas mission si Sec. Pernia.

Facebook Comments