Cauayan City, Isabela- Patay ang isang 11-anyos na batang lalaki matapos mahulog mula sa puno ng Gmelina sa Brgy. Balintocatoc, Santiago City, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Ruben Dela Cruz, isang mag-aaral at residente sa nasabing lugar.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan sa presinto dos ng Santiago City Police Station, kumukuha ang biktima ng isang uri ng gulay na “bagbangkong” para maibenta subalit hindi inaasahan ang pangyayari ng mahulog ito sa puno.
Una rito, isang grupo ng mga siklista ang nakakita sa bata na nakahandusay at wala nang buhay kung kaya’t agad nila itong ipinagbigay alam sa mga opisyal ng barangay.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, nahirapan ang mga residenteng rumesponde sa lugar dahil sa kapal ng nakapaligid na barbed wire.
Tinatayang nasa walong (8) metro ang taas ng nasabing puno kung saan nahulog ang binatilyo at tumambad sa kanyang bitbit na bag ang samu’t saring gulay na kinuha ng bata.
Posibleng pagkabagok at matinding sugat sa leeg ang nakikitang sanhi ng agad na pagkamatay ng bata.
Nagawa pang isugod ng mga rumespondeng rescue team sa pagamutan ang binatilyo subalit idineklara na itong patay ng sumuring doktor.
Nananawagan naman ang mga awtoridad sa mga magulan na bantayang maigi ang kanilang mga anak at huwag hayaang lumabas ng mag-isa.