
Tinawag ni Senator Robinhood Padilla na mahihina ang mga kabataan sa panahong ito.
Inihayag ito ng senador sa gitna na rin ng pagtalakay sa mga panukalang batas na Children’s Safety in Social Media na magre-regulate sa paggamit ng mga kabataan sa social media na pinaniniwalaang nakaapekto sa paghubog at mentalidad ng mga kabataan.
Sa pagdinig, bagama’t humingi ng pasensya ang senador pero sinabi ni Padilla na mahihina ang mga kabataan ngayon.
Hindi aniya tulad ang mga kabataan ngayon sa mga batang 90’s at 80’s na hindi iyakin, naglalaro pa sa kalsada, alam pa ang camping, pakikipagkaibigan at alam pa ang mga kinagisnan sa kalsada.
Maging ang salitang depression ay hindi naman uso noon na ngayon lamang niya nalaman at maski aniya isang batang maliit ngayon ay sasabihin na depressed siya.
Inihalimbawa ni Padilla ang mga bansang Australia, France at Italy na naglagay na ng regulasyon o ban sa paggamit ng mga kabataan sa social media matapos na makitaan ng mga negatibong epekto sa kanilang paglaki.










