11-anyos, patay matapos mahulog sa nagyeyelong bangin

(Photo from Unsplash)

NEW YORK – Patay ang 11-anyos lalaki matapos mahulog sa nagyeyelong bangin habang nag-aakyat-bundok kasama ang isang grupo ng mga climbers, bandang alas-4:00 pm nitong Sabado.

Ayon sa pahayag ng sheriff ng lugar sa The Associated Press, nangyari ang insidente sa Catskill Mountains kung saan umakyat ang hindi pinangalanang biktima kasama ang kanyang ama at ang 5 iba pa.

Pabalik na raw noon ang naturang grupo nang biglang mahulog ang bata sa 300ft bangin at bumagsak sa tinatawag nilang Platte Cove, isang matarik na lambak na mayroong ilang matatagpuang talon.


Nadulas daw ang bata at hindi nagawang kumapit sa lubid na nakatali sa pagitan ng mga puno ng bundok.

“He had been wearing proper ice-climbing gear, which included a helmet, at the time,” saad ni Sheriff Peter Kusminsky.

Agad namang rumisponde ang mga forest rangers sakay ng isang helicopter pababa ng bangin para hanapin ang bata ngunit bigo silang makita ito.

Dahil delikado umano na ipagpatuloy ang operasyon nang gabi ng Sabado, nagpasya ang grupo na ipagpabukas ang paghahanap sa bata.

Natagpuan ang bangkay ng bata Linggo ng hapon matapos ang mahigit 7 oras na paghahanap.

Dinala ang bangkay nito sa Ellis Hospital Morgue para dito isagawa ang autopsy.

Samantala, ayon kay Kusminsky, nasa kamay umano ng New York Department of Environmental Conservation ang desisyon kung ipasasara ang delikadong daanan na pinangyarihan ng insidente.

Maaari raw na maglagay lamang ng babala ang kagawaran dahil isa umano ito sa pinakapopular na akyatan sa New York.

Facebook Comments