Sa inilabas na report ng Cagayan Provincial Information Office, ito ang inihayag ng pamunuan ng PCSO kay Governor Manuel Mamba hinggil sa talamak na illegal na peryahan.
Batay sa sumbong ng PCSO kay Mamba, napag-alaman na mayroon umanong reported na iligal na Peryahan Games sa mga bayan ng Alcala, Aparri, Baggao, Buguey, Camalanuigan, Gattaran, Gonzaga, Lal-lo, Sta. Ana, Amulung at Penablanca.
Nabunyag rin umano na may ilegal na pangongolekta ng mga “kubrador/kabos” sa mga peryahan games stations sa mga nabanggit na bayan kung saan nasa 28 barangays ang mayroong aktibong istasyon.
Sumulat na rin umano ang PCSO sa Department of Interior and Local Government (DILG, at mga Local Chief Executives kasama ang local police kaugnay sa presensiya ng mga nasabing iligal na peryahan games stations.
Nagkaroon na rin ng operasyon ang PNP sa bayan ng Aparri subalit negatibo ang resulta habang nakahuli naman ng limang (5) indibidwal ang PNP sa bayan ng Gonzaga dahil sa mga ilegal na operasyon sa mga nasabing istasyon ng peryahan.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng PCSO sa patuloy na adbokasiya ng Provincial Government kontra iligal na sugal, partikular ang pagpapatakbo ng mga hindi awtorisadong mga number games tulad ng Global Tech Mobile Online.