*Cauayan City, Isabela*- Pumalo na sa kabuuang 11 bayan ang apektado ng sakit na African Swine Fever sa buong Probinsya ng Isabela.
Ayon kay Provincial Veterinary Officer Angelo Naui, isinailalim na sa culling o pagbaon sa lupa ang mga apektadong baboy sa Brgy. Santiago sa Reina Mercedes at Brgy. Pangal Sur sa Echague para maiwasan ang posibleng paghawa ng iba pang mga alagang baboy.
Nauna ng naapektuhan ang iba pang bayan na kinabibilangan ng Quezon, Quirino, Mallig, Aurora, Roxas, San Manuel, Gamu, Cordon at Jones.
Umabot naman sa kabuuang 1,134 ang mga baboy na binaon bilang bahagi ng precautionary measure ng ahensya habang nasa 21 barangay na ang apektado ng nasabing pagkalat ng sakit na African Swine Fever.
Hihintayin na lamang ang resulta ng blood sample na isinailalim sa pagsusuri ng Bureau of Animal Industry.
Tiniyak naman ng Pamahalaang Panlalawigan na mabibigyan ng angkop na ayuda ang mga hog raisers matapos isailalim sa culling ang kanilang mga alagang baboy.