Kasalukuyang nagpapagaling ang 11 estudyante matapos masangkot sa pagsabog ng isang portable butane stove sa isang kainan sa Barangay Caranglaan, Dagupan City.
Ayon sa initial update ng Dagupan City Police Office–Police Station 2 sa panayam ng IFM News Dagupan, walo sa mga estudyante ang naka-admit sa isang pribadong ospital. Isa sa kanila ang nasa intensive care unit (ICU), habang tatlo naman ang ginamot bilang outpatient.
Dagdag pa ng pulisya, nagkaroon na umano ng paunang pag-uusap ang may-ari ng kainan at ang mga kamag-anak ng mga biktima. Nangako umano ang may-ari na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng mga nasugatang estudyante.
Sa eksklusibong panayam ng IFM News Dagupan sa kamag-anak ng isa sa mga biktima, sinabi nitong nagulat at nabigla ang kanilang pamilya nang mabalitaan ang insidente na kinasangkutan ng kanilang apo.
Sinubukan ding kapanayamin ng IFM News Dagupan ang pamunuan ng naturang kainan, ngunit pansamantala nang itinigil ang operasyon kasunod ng insidente.
Samantala, kinompirma naman ng pamilya na sinimulan na umano ng may-ari ng establisyemento ang pag-aasikaso sa hospital bills ng mga biktima.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon at inspeksyon ang Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan at ang Dagupan City Police Station 2 upang matukoy ang sanhi ng pagsabog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










