Cauayan City, Isabela- Muling nakapagtala ng labing-isang (11) karagdagang kaso ng Delta variant ang rehiyon dos, batay sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) region 2.
Sa Cagayan, nakapagtala ng anim na kaso kung saan isa (1) ang naitala sa Peñablanca at alima (5) naman sa Tuguegarao City.
Habang nakapagtala rin ang lalawigan ng Isabela kung saan tig-isa sa mga bayan ng Cabagan, Jones at San Mateo.
Sa Nueva Vizcaya, nakapagtala ng isang kaso ang bayan ng Solano habang isa rin sa bayan ng Diffun, Quirino.
Pawang mga local cases at fully recovered na ang mga naitalang tinamaan ng Delta variant.
Batay sa Local Cases of Variant of Concern per Province Report ng RESU, ang buong rehiyon dos ay nakapagtala ng mga sumusunod na bilang mula Marso hanggang ika-26 ng Setyembre, ang Alpha Variant ay mayroong 325 cases, 303 dito ay recovered cases samantalang 22 ang binawian ng buhay.
Sa Beta Variant ay mayroong 45 cases, 42 ay recovered cases habang tatlong kaso ang namayapa.
Gayundin naman sa Delta Variant ay mayroong 176 cases, 171 ay recovered cases at mayroong limang binawian ng buhay at ang Theta Variant ay nakapagtala ng tatlong kaso at lahat ay fully recovered o gumaling na sa sakit.
Patuloy naman ang ginagawang contact tracing activities ng Special Action Team (SAT) ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) sa tulong ng Rural Health Units at Local Government Units ng mga apektadong munisipalidad.