Cauayan City, Isabela- Arestado ang labing isang (11) inidibwal na kinabibilangan ng dalawang (2) empleyado ng gobyerno matapos lumabag sa protocol sa ilalim ng General Community Quarantine sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ang mga naaresto ay kinilalang sina Jake Elchico, 25 anyos, pintor, Richard Belica, 27 anyos, DENR employee, kapwa residente ng Tuguegarao City Cagayan; Walter Sibal, 32 anyos, residente ng Peñablanca, Cagayan; Nataniel Oña Jr, 31 anyos, contractor, residente ng Allacapan Cagayan, Ricardo Peña, 31 anyos, contractor, residente ng Barangay Enrile, Cagayan, Ryan Delos Santos, 28 anyos, Martin Cruz, 30 anyos, negosyante, Gerald Agatep, 22 anyos, Marco Saludez, 35 anyos, negosyante; Kenny Roczen, 27 anyos, government employee na pawang mga residente sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan at Joseph Collado, 35 anyos, negosyante, residente naman ng Ilagan City, Isabela.
Una rito, isang concerned citizen ang nasumbong sa himpilan ng pulisya na may mga grupo ng motorista ang nagtungo sa bluewater site sa bayan ng Baggao sa kabila ng mahigpit na pagbabawal sa sinumang mamamasyal sa naturang lugar.
Nang matanggap ng pulisya ang text message mula sa concerned citizen, agad na nagtungo ang tropa sa sinabing lugar at naabutan ang mga ito sa Barangay San Jose sa bayan ng Baggao.
Sinita ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek at nang hingan ang mga ito ng dokumento sa kanilang pagbyahe at pamamasyal ay bigong makapagpresinta ang mga ito na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.