11 na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang pharmaceutical executive, sinampahan na ng reklamo sa DOJ

Sinampahan na ng mga reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang 11 dawit sa pagdukot at pagpatay kay Iraseth Pharma CEO Eduardo Tolosa Jr.

Ang mga reklamo ay inihain sa DOJ ng Philippine National Police (PNP) Anti-Kidnapping Group at ng pamilya ng biktima gayundin ng kanilang abogado na si Atty. Harry Roque.

Kabilang sa mga reklamo laban sa mga suspek ay kidnapping for ransom, murder, at arson.


Pangunahin sa kinasuhan ang isang Carlo Cadampog.

Si Tolosa ay iniulat na nawala at huling nakita sa Taguig City noong July 19 at sinasabing may kinalaman sa negosyo ang motibo sa krimen.

Sinabi ni Roque na natukoy ang 11 suspek dahil sa pag-amin mismo ng ilan sa mga ito na sila mismo ang naglibing at sumunog sa bangkay ni Tolosa.

Bagama’t hindi aniya na narekober ang bangkay ng pharmaceutical executive ay kinumpirma ng mga nasabing suspek at testigo na patay na ito.

Facebook Comments