
Nakatakdang umuwi sa Pilipinas ang 11 Overseas Filipino Workers (OFWs) sa mga susunod na araw.
Ito ang inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) matapos mailikas ang naturang mga Pilipino mula Iran patungong Türkiye sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at sigalot sa rehiyon.
Ayon sa DFA, matagumpay ang isinagawang evacuation sa pamamagitan ng koordinasyon ng Philippine Embassies sa Tehran, Iran at Ankara, Türkiye.
Naging posible ang kanilang paglikas dahil sa agarang paglabas ng pondo mula sa Assistance to Nationals (ATN) Fund ng DFA, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nagpasalamat naman ang DFA sa mga pamahalaan ng Türkiye at Iran sa kanilang tulong upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga Pilipino.
Samantala, sinabi ng DFA na patuloy na nakahanda ang Philippine Embassy sa Tehran na tumulong sa tinatayang 800 Pilipino na kasalukuyang nasa Iran na nais umuwi sa Pilipinas.
Pinayuhan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng mga contact number at official channels na nakalagay sa kanilang website at social media pages.










