Nasa higit 1,000 quarantine control points (QCPs) ang ilalatag ng Philippine National Police (PNP) sa Metro Manila at mga katabing probinsya kasabay ng pagpapatupad ng isang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Cesar Hawthorne Binag, kabuuang 1,106 checkpoints at 9,356 law enforcers ang nakabantay.
Ang ilan sa mga checkpoints na nakalatag na noong General Community Quarantine (GCQ) ay kasama sa higit 1,000 checkpoints na papaganahin ngayong ECQ period.
Ipakakalat din ang mga pulis sa areas of convergence tulad ng public markets, groceries at iba pang negosyong nag-aalok ng basic services.
Sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Officer-in-Charge Undersecretary Bernardo Florece na inatasan na nila ang lahat ng pulis at barangay officials na mahigpit na ipatupad ang mga protocol.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay tutulong din sa pagpapatupad ng stay-at-home rule.