12 flyover at tulay sa Metro Manila, kailangan na rin sumailalim sa pagkukumpuni – DPWH

Aabot sa 12 flyover at tulay sa Metro Manila ang kinakailangan na ring ayusin.

Pahayag ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng repair na ginawa sa Southbound lane ng EDSA-Kamuning flyover noong Hunyo matapos makitaan ng mga bitak sa naturang tulay.

Kabilang sa mga ito ay ang mga sumusunod:
• Magallanes Interchange (Soutbhound)
• EDSA Kamuning Flyover (Northbound)
• Lagarian Bridge (Northbound)
• Libis Bridge (Northbound at Southbound)
• San Juan Bridge (Northbound)
• EDSA Santolan Bridge (Northbound at Southbound)
• EDSA Quezon Avenue Flyover (Northbound at Southbound)
• Benigno Aquino Bridge
• Manuel Roxas Jr. Bridge


Partikular na tinukoy rin ni DPWH Secretary Manny Bonoan sa RMN Manila kamakailan ang pagkukumpuni sa Guadalupe Bridge sa Makati at ang Lambingan Bridge sa Marikina na target simulan sa katapusan ng taong 2022.

Paliwanag ng DPWH, karamihan sa mga ito ay matatanda na at delikado para sa mga motorista kung hindi maikukumpuni.

Dagdag pa ahensya, kapag natukoy na nila sa mga nabanggit na imprastraktura ang kinakailangan ng agarang pagkukumpuni ay agad silang karampatang pondo para matukoy ang prayoridad at saka hihingi ng permit sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Nakahanda naman ang MMDA sa mga nagbabadyang retrofitting activities sa mga naturang tulay at flyover kung saan kasama rito ang pagtatalaga ng rerouting scheme para sa mga apektadong motorista.

Samantala, inaasahang magbubukas na sa publiko ngayong July 23 dakong alas singko ng umaga ang EDSA Kamuning flyover Southbound matapos ang isang buwang pagkukumpuni.

Facebook Comments