Cauayan City, Isabela-Bahagyang bumababa ang lebel ng tubig sa ilog Cagayan subalit mabagal ang paghupa nito kaya’t marami pa ring kabahayan ang lubog sa tubig baha.
Sa ulat ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, umakyat ng kabuuang 113 barangay ang apektado ng pagbaha mula sa 13 bayan sa Isabela; 12 sa Cagayan at dalawang (2) bayan naman sa Quirino.
Kaugnay nito, pumalo sa 6,816 na pamilya o katumbas ng 28,959 na indibidwal ang nakaranas ng pagbaha bunsod ng tuloy-tuloy na pag-uulan.
Nagsilikas naman ang 1,223 na pamilya ang lumikas sa mga evacuation center habang 355 na pamilya ang lumikas sa kanilang mga kaanak na nasa mas ligtas na lugar.
Una nang nag-ikot si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano sa lungsod para tingnan ang sitwasyon sa loob ng evacuation center.
Tuloy-tuloy naman ang pamamahagi ng tulong sa mga pamilyang apekatdo ng pagbaha na nananatili sa mga evacuation center.
Samantala, inihayag ng NIA-MARIIS na dalawang spillway gates na lamang ang nakabukas ngayon na may apat na metro ang taas.
Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ng mga awtoridad ang mga mamamayan na manatiling maging alerto dahil maaring may mga bumababa pang tubig mula sa iba’t-ibang mga tributaryo ng Cagayan River.