
Ginawaran ng pardon ni United Arab Emirates His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan ang 115 Pilipino sa UAE kasabay ng buwan ng Ramadan at Eid’l Fitr.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., malaki ang pasasalamat niya kay Al Nahyan para sa ipinagkaloob na clemency sa mga Pilipino.
Batay rin sa Presidential Communications Office (PCO), ang royal pardon ay simbolo ng mataas na respeto ng UAE government kay Pangulong Marcos, gayundin ang pakikiramay at pangalawang pagkakataon sa panahon ng Ramadan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagbigay ng clemency ang UAE sa mga Pinoy convict.
Noong 2024, nasa 143 rin ang ginawaran ng pardon sa panahon ng Eid’l Adha at 220 naman sa okasyon ng kanilang National Day.
Ang pardon ay ipinagkaloob bilang pagpapakita ng matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa at direktang resulta ng pagpupulong ni Pangulong Marcos kay UAE President His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan noong Nobyembre 2024.