
Nanawagan si Elijah San Fernando ng Kamanggagawa Party-list kay Ferdinand Marcos Jr. na sibakin si Michael Capati bilang general manager ng Manila Metro Rail Transit System Line 3 (MRT-3).
Ito rin ang laman ng liham ni San Fernando kay Giovanni Lopez, kalihim ng Department of Transportation (DOTr), na ipinadala pa noong Pebrero.
Ayon kay San Fernando, ginawa niya ang panawagan matapos makatanggap ng ulat mula sa MRT-3 Employees Association tungkol sa umano’y mga pag-abuso ni Capati at paglabag sa mga patakaran para sa ligtas na operasyon ng MRT-3.
Nabatid din umano ng mambabatas na umaabot sa siyam na oras ang bawat shift ng mga MRT-3 personnel sa mabibigat na gawain.
Dagdag pa ni San Fernando, delikado rin umano ang ipinapatupad na paggamit ng anim na four-car trains, kahit ang Automatic Train Protection (ATP) system nito ay nakadisenyo lamang para sa three-car trains.










