Isang high profile detainee na may nakabinbing kaso ng droga, nakalabas ng NBI facility; 6 na tauhan ng NBI, kasabwat umano

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na nakalabas ng NBI facility ang isang high profile detainee na may nakabinbing kaso ng droga.

Ang detainee ay kinilalang si Jad Dera, napag-alamang co-accused sa kaso ng droga laban kay dating Sen. Leila de Lima.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, nakatanggap ang DOJ ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Jad Dera at agad nilang ipinaalam sa National Bureau of Investigation (NBI) na wala si Jad Dera sa NBI detention facility.


Agad namang bumuo ng task force ang NBI at naaresto si Dera habang papasok na ang van sa NBI kaninang hatinggabi.

Sa operasyon, huli sa aktong may kasama si Dera na anim na tauhan ng NBI, at may mga baril at pera sa loob ng itim na sling bag habang pabalik sa NBI detention facility.

Diin ni Clavano, absolute rule aniya na hindi maaaring makalabas sa detention center ang isang detainee nang walang pahintulot mula sa taga-usig, kung nasa ilalim ng imbestigasyon o sa hukom kung ang kaso ay nasa korte na.

May mga inisyal na ulat din na si Dera dapat ang magsisilbing na bagman ni Cong. Arnolfo Teves, Jr., pero wala pa silang matibay na impormasyon kung konektado ba ang dalawa.

Samantala, sinabi ni Clavano na malinaw aniya na may kakayahang makalabas ang isang detainee sa pasilidad lalo na kung high profile dahil may mga kasabwat itong tauhan ng NBI.

Dahil dito, tinitingnan na ng DOJ ang pagkakaroon ng reshuffling o balasahan sa mga security personnel ng NBI.

Facebook Comments