Sinuspinde sa paaralan ang isang 12-taon-gulang na lalaki sa Worcester, Massachusetts matapos yakapin ang babaeng guro sa edukasyong pangkatawan at pangkalusugan.
Nakikipaglaro ng batuhang bola ang hindi pinangalanang bata sa mga kaklase niya sa Forest Grove Middle School noong Setyembre 27, nang patigilin siya ng guro dahil daw sa pakikipaglokohan sa mga kaibigan.
Niyakap ng estudyante ang guro at pinakiusapan na huwag siyang paalisin sa laro.
Matapos ang limang minutong paghihintay, pinayagan na ang bata na sumali ulit sa laro, kuwento ng tumatayong ina nito na si Julie Orozco sa NBC noong Oktubre 15.
Ngunit sa sumunod na klase, ipinatawag daw ang estudyante sa opisina ng paaralan at sinabihang parurusahan dahil sa pagyakap sa guro.
Umiiyak at lito sa nangyari ang bata nang sunduin ni Orozco noong araw na iyon.
Paulit-ulit umano nitong tinanong kung bakit hindi na lang siya sinabihan ng guro na ayaw niyang magpayakap.
Sa pakikipag-usap ni Orozco sa ilang opisyal ng paaralan, sinabi ng superintendent na si Maureen Binienda na masyado raw mahigpit at agresibo ang yapos ng bata sa guro.
Iginiit din ng mga opisyal na dapat ay alam ng estudyante na hindi angkop ang ginawa niya.
Hinala ni Orozco, kasama sa mga dahilang nagtulak sa pasya ng mga opisyal hinggil sa insidente ay ang lahi ng bata na African American, habang puti naman ang guro.
Unang binigyan ang bata ng 10 araw na suspensyon na kalaunan ay ibinaba sa apat, habang binawi naman ang salang “physical assault” at ginawang “disruption of school”.