12 barangay personnel at volunteers ng Brgy. Batasan Hills sa Quezon City, sinibak dahil sa paglabag sa health protocols

Sinibak ang 12 staff at volunteers ng Barangay Batasan Hills sa Quezon City matapos mag-Christmas party na isang paglabag sa barangay guidelines at sa mandatory health protocols.

Ipinarating mismo ni Barangay Chairman Jojo Abad kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na tinanggal bilang mga barangay staff sina Leticia Samar, Michelle Saragcon, Ma. Elena Olesco, Nora Elizaga, Meann Ubang, Rowena Almonicar, Jocelyn Leonero, Ritchie Ancero, Manilyn Mejia, Gemma Relata, Marizen Misolas at Alejandro Cabello.

Ginawa ni Abad ang pagsibak matapos mag-post ang isa sa mga staff ng mga larawan nila na nagpapakitang hindi pagpapatupad ng social distancing habang nagpa-party.


Pinuri naman ni Mayor Belmonte ang naging mabilis na pagkilos ni Barangay Chairman Abad sa isang napakaseryosong bagay, lalo pa’t may kinalaman ito sa kalusugan.

Sa kaniyang social media post, aminado si Marizen Misolas, isa sa mga staff member na siya ang nag-imbita sa barangay employees at volunteers para sa isang hapunan at inuman.

Aniya, ilang sandaling nakalimutan nila ang social distancing nang magsimula na sila ng picture-taking session.

Facebook Comments