Cauayan City, Isabela- Tatanggap ng tulong pinansyal ang labindalawang (12) barangay sa San Mariano, Isabela para sa paglalaan ng mga proyekto.
Ito ay makaraang ipagkaloob ang P4.7 milyong piso para sa Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Project na layong ilaan sa pagpapagawa ng labing walong (18) dugwell at apat (4) na multi-purpose drying pavement sa mga barangay matapos aprubahan ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process(OPAPP) ang naturang pondo.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Edgar Go dahil malaking tulong aniya ang naturang pondo para sa mga residente at lalo pang maitaas ang antas ng Agrikultura sa bayan.
Pinasalamatan rin nito ang 95th Infantry Battalion dahil sa pag-aayos ng mga dokumento para maisakatuparan ang proyekto sa bayan.
Samantala, sinabi naman ni LTC. Lemuel Baduya, Battalion Commander na ang tagumpay ng kasundaluhan ay tagumpay rin ng buong bayan dahil sa patuloy na pagbibigay suporta sa mga programa ng tropa ng militar lalo na ang pagpapanatili ng kaayusan at ang serbisyo publiko.