12 BAYAN SA REGION 2, APEKTADO NG RICE BLAST AYON SA DA REGION 2

Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture Region 2 na hindi naman gaano kadelikado ang pagtama ng ‘rice blast’ sa mga pananim na palay matapos itong maitala sa ilang sakahan sa lambak ng Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Director Edillo, importante lang umano ang tamang pag-aalaga sa mga pananim dahil sa naranasang sakit ng palay sa harap ng pabago-bagong panahon.

Aniya, kailangan lang din na i-regulate ang madalas na paggamit ng abono o urea at tiyakin na may sapat na tubig ang mga palayan.

Ilan aniya sa mga sintomas ng rice blast ang pagkakaroon ng “brownish” o “mata-mata” at kulay gray sa dulo ng mga dahon ng palay.

Una nang naiulat ng Regional Crop Protection Center (RCPC) ng ahensya na aabot sa 171.17 ektarya ng sakahan sa labindalawang (12) bayan sa rehiyon dos kabilang ang Alicia, Cabagan, Cabatuan, San Mateo, Sta Maria at Delfin Albano sa Isabela ang apektado ng rice blast.

Bukod pa dito, nakapagtala rin ang mga bayan ng Aglipay, Nagtipunan, Cabarroguis Maddela at Diffun sa lalawigan ng Quirino gayundin sa Buguey,Cagayan.

Nasa 50 hanggang 80 porsyento ng pananim na palay ang mawawala kung hindi kaagad matugunan ang nasabing problema sa palayan.

Payo naman ni Director Edillo sa mga magsasaka na pansamantalang iwasan ang paglalagay ng nitrogen fertilizer dahil posibleng lumala at maapektuhan ng peste ang mga pananim.

Samantala, hindi naman inirerekomenda ang pag-spray ng fungicide kung hindi pa naman Malala ang rice blast at lalagyan lang ito sa panahon na nasa fruiting stage na ang mga palay.

Facebook Comments