12 INDIBIDWAL, TIMBOG SA SUNOD-SUNOD NA PUSOY RAID SA LA UNION; MAHIGIT ₱2K PUSTA, NASAMSAM

Labindalawang indibidwal ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal gambling operations sa La Union matapos maaktuhang naglalaro umano ng “Pusoy” sa kabila ng umiiral na ordinansa laban sa ilegal na sugal.

Sa bayan ng Luna, walong residente ang nasakote sa dalawang magkasunod na operasyon ng Luna Municipal Police Station katuwang ang iba pang local enforcement units noong Mayo 26. Kabilang sa mga naaresto ang mga magsasaka, mangingisda, at mga maybahay na edad 39 hanggang 57-anyos.

Nakumpiska sa dalawang operasyon ang mga playing cards at kabuuang ₱1,140 na hinihinalang pustahan.

Samantala, apat pang indibidwal kabilang ang dalawang walang trabaho at isang delivery boy ang nahuli rin sa Naguilian, La Union noong Mayo 24 matapos maaktuhang naglalaro ng “Pusoy.”

Nasamsam sa nasabing operasyon ang isang deck ng baraha at ₱1,060 na bet money.

Ayon sa pulisya, pawang lumabag ang mga suspek sa mga umiiral na municipal ordinance kontra ilegal na pagsusugal sa kani-kanilang bayan.

Dinala sa mga himpilan ng pulisya ang mga naaresto kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments