Bulacan – Patay ang 12 kriminal matapos ang 12 oras na Anti-Criminality Law Enforcement Operation o SACLEO ng PNP Bulacan.
Ayon kay Police Senior Superintendent Chito Bersaluna, acting Bulacan Police Director ang 12 kriminal ay ang anim na drug pushers, apat ay sangkot sa nakawan habang 2 naman ay magnanakaw ng motorsiklo.
Kinilala ang mga nasawing drug pushers na sina Eugenio Tan; Alden Gerobeise, isang Ogag; Alias Keng-keng; Mark Chester Manalang alias Amang at Dexter Dispo alyas Boyet.
Namatay aniya ang mga ito matapos manlaban sa mga pulis sa mga ikinasang buy-bust operations sa Sta. Maria, Malolos, Pulilan, Obando, Baliwag at Hagonoy sa Bulacan.
Narekober sa kanila ang apat na .38 caliber na baril at hindi matukoy na sachets ng hinininalang shabu.
Tatlo naman sa apat na mga magnanakaw ay pinasok at ninakawan ang isang convenience store sa San Rafael na tatakas sana pero nakipagbarilan pa sa mga pulis dahilan ng kanilang pagkasawi, habang ang isa ay nakatakbo pa sa residential area ngunit napatay rin matapos makipagbarilan sa mga pulis.
Nakuha sa mga nasawing magnanakaw ay ang 45 caliber na baril, 38 caliber revolver at syam na plastic sachets ng dried marijuana leaves.
Kinilala naman ang mga nasawing magnanakaw ng motorsiklo na sina alyas Bogart at Alyas Albina.
Nasawi ang mga ito matapos na manlaban sa mga pulis sa isinagawang entrapment operation sa Barangay Muzon San Jose De Monte Bulacan.