Aabot sa 122 concerns ang natanggap ng Department of Education (DepEd), sa unang araw ng paglulunsad ng Oplan Balik Eskwela Public Assistance and Action Center.
Batay sa inilabas na ulat ng Oplan Balik Eskwela, nasa 24 percent ng mga idinulog sa DepEd ay tungkol sa enrollment concerns, gaya ng proseso sa online enrollment at paglilipat ng estudyante mula private sa public school.
Sinundan naman ito ng mga tanong hinggil sa school policy at operations.
Karamihan ng concerns ay mula sa Calabarzon Region at National Capital Region.
Karaniwang idinaan sa Facebook messages, sa email at sa hotline ng OBE, ang mga tanong sa action center.
Sa ngayon, nasa 107 concerns ang natugunan at naresolba ng kagawaran habang ang natitira ay nai-refer na.
Bukas ang 2021 Oplan Balik Eskwela (OBE) mula sa Central Office at ang mga regional at division offices hanggang Setyembre 17, 2021.