Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng DFA na ibinalik na ang mga passport appointment slots sa publiko upang makapagbigay ng maraming appointment slots sa publiko para sa kanilang passport application.
Ayon kay Ricarte Abejuela III Acting Director ng passport Division ng Office of Consular Affairs tinanggal na ng Department of Foreign Affairs ang fixed appointment slots ng mga travel agencies para sa passport application at renewal ng kanilang mga kliyente.
Anya tinanggal ang 1,200 slots na araw-araw nakareserba sa mga travel agencies at ang mga ito’y ginawang karagdagang slots para sa mga regular na aplikante.
Paliwanag ng opisyal sinimulang ipatupad ang patakarang ito noong Agosto 1, 2017 kung saan ang mga kliyente ng mga travel agencies, alinsunod sa bagong patakaran ng DFA, ay dapat dumaan din sa prosesong dinadaanan ng iba pang mga aplikante na nais mag-aplay o mag-renew ng kanilang pasaporte.
Dagdag pa niya, hindi lamang mga travel agencies ang kinakailangang mag-adjust mismong mga kawani ng DFA ay kailangan ding mag-adjust matapos tanggalin ang kanilang pribilehiyo na gamitin ang courtesy lane simula noong Agosto 1, 2017.
Sa ilalim ng bagong sistema, tanging mga miyembro ng immediate family — magulang, asawa, anak, kapatid, lolo at lola, mga apo at parents-in-law — ng mga empleyado ang maaring makagamit ng courtesy lane.