12,000 hanggang 13,000 kada araw na COVID-19 cases, ibinabala ng OCTA

Posibleng pumalo ng 13,000 kada araw ang COVID-19 cases sa bansa pagdating ng Abril.

Ito ang projection ng OCTA Research Group kasunod na rin ng COVID-19 surge sa Metro Manila dahil sa paglaganap ng mga variant.

Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, nasa 12,000 hanggang 13,000 ang makikita nilang kaso kada araw sa Abril, maliban na lamang kung magkaroon ng milagro.


Bunsod nito, nanawagan si David sa pamahalaan na palawigin ang NCR plus bubble upang mapababa ang COVID-19 cases at matulungan ang mga hospital na napupuno na dahil sa pagdami ng nagpopositibo.

sa ngayon ay pumalo na sa 702,856 ang COVID cases sa bansa makaraang makapagtala kahapon ng panibagong record-high na 9,838 new cases.

Pero sa pagtataya ng OCTA, posibleng umabot ng isang milyon ang maging kaso ng COVID sa bansa pagdating ng katapusan ng Marso kung hindi mapapababa ang bilang nito.

Facebook Comments