13.6 million na mga low-income families, nakararanas ng gutom dahil sa delay na pamamahagi ng emergency subsidy

Nasa 13.6 milyong low-income families ang nakararanas ng gutom dahil sa delay na pamamahagi ng emergency subsidy ng gobyerno.

Ayon kay Ibon Foundation Sonny Africa, sa kabila ng ipinagkaloob na emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte, 24% lang ng 18 milyong target beneficiaries ng Social Amelioration Program (SAP) ang naabutan ng tulong.

Aniya, 617,141 pamilya lang na hindi bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nabigyan ng cash assistance.


Habang 237,653 o 2.2% ng 10.7 milyong formal workers; 178,594 o 3.4% ng 5.2 million informal earners at 353,037 o 3.6% ng 9.7 milyong magsasaka at mangingisda ang nakinabang sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA).

Giit ni Africa, higit pa sa gutom at paghihirap ng mahihirap ang idinulot ng aniya’y “criminal neglect” ng Pangulo sa nakalipas na limang linggo ng lockdown.

Sa halip na kaso ng COVID-19, tila ang curve, aniya, ng pagbibigay ng ayuda ang bumababa.

Facebook Comments