*Zamboanga del Norte* – Nasa kustodiya na ngayon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang isang 13-anyos na binatilyo na nagtangkang magpuslit ng shabu sa loob ng Zamboanga Norte Correctional and Rehabilitation Center (ZNCRC) sa Don Jose Aguirre sa lungsod ng manukan sa lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Batay sa ulat ng Zamboanga del Norte PNP provincial command, na-rekober ng jail guard sa isinagawang body search mula sa binatilyo ang isang malaking pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinago sa kanyang suot na medyas.
Ang naarestong binatilyo ay isang grade 8 student at nakulong naman ang kanyang ina sa Zamboanga Norte Correctional and Rehabilitation Center dahil parin sa kasong ilegal na transakyon ng droga.
Base sa pagsisiyasat ng mga otoridad mula sa cellphone na nakuha sa suspek, makikita umano dito ang text message mula sa nakakulong nitong ina na siyang nag-utos sa kanya upang ipasok ang sinasabing shabu.
Kasunod nito, dagdag na kaso ang kakaharapin ngayon ng ina ng suspek.
Inihahanda naman ng pulisya ang ihahaing kaso laban sa binatilyo sa pakikipagtulungan na rin ng DSWD.