13-ANYOS NA BINATILYO, PINAGHAHANAP MATAPOS MALUNOD

Cauayan City – Puspusan ang ginagawang search and rescue operation ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Enrile upang mahanap ang 13-anyos na binatilyong hinihinalang nalunod sa ilog sa Brgy. Maddarulug Sur, Enrile Cagayan.

Ayon sa MDRRM Officer ng Enrile na si Don Erickson Orje, nagtungo umano ang biktima sa ilog kahapon, ika-23 ng Marso kasama ang 6 na kaibigan nito upang maligo.

Matapos ang pagligo, nagtungo umano ang mga kasamahan nito sa gilid ng ilog at naiwan ang biktima sa tubig subalit matapos nito ay hindi na siya nakita pa.


Agad namang ipinaalam ng mga bata ang insidente sa mga awtoridad kaya’t kaagad na nagsagawa ng search and rescue operation ang MDRRMO Enrile, kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP)-Enrile, Philippine Coast Guard (PCG) at kapulisan.

Sa kasamaang palad, bigo pa rin itong makita hanggang ngayon kaya naman patuloy ang ginagawang pagsuyod ng Rescue team sa ilog.

Facebook Comments