COARI, Brazil – Nasawi ang isang dalaga matapos niyang isilang ang kanyang anak na bunga umano nang panggagahasa ng kanyang sariling ama.
Noong Disyembre 11, binawian ng buhay si Luana Ketlen matapos makaramdam ng matinding pananakit dulot ng acute anemia.
Dahil dito, pinaaga ng mga doktor ng dalawang buwan ang panganganak ng biktima sa kagustuhang mailigtas siya at ang bata ngunit sa kasamaang-palad, hindi sila nagtagumpay.
Maswerteng nakaligtas ang sanggol at nasa maayos na kundisyon samantalang nalagutan naman ng hininga ang kanyang ina na noo’y inililipat sa ospital sa Manaus.
Samantala, naiulat na mahigit apat na taon nang inaabuso ng ama na si Tome Faba, 36, ang biktima.
Napag-alaman ding limang buwang buntis na si Luana nang malaman ang kanyang kalagayan nang makaramdam siya ng pananakit ng tiyan.
Isinalaysay ni Police chief Jose Barradas, “The teenager lived with her parents in a rural area outside the city. She did not realise, until two months ago when she began to feel pains in her abdomen, that she was five months pregnant.”
Ibinahagi rin daw ng dalaga sa pulisya na ginagawa ng ama ang krimen sa tuwing pinipilit siya nitong sumama sa pangingisda.
Walang nakakaalam sa buong kaanak ng biktima ang kundisyon nito hanggang mapansin nila ang pagbabago sa katawan ni Luana.
Natatakot daw kasi itong magsumbong dahil papatayin siya umano ng ama.
Nahaharap sa kasong child abuse at manslaughter ang suspek.