Cauayan City, Isabela- Naitala ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng Department of Health (DOH) region 2 ang 13 kaso ng firework-related injuries.
Batay sa kanilang pinakahuling datos, 12 ang mga kalalakihan at 1 babae na pawang edad 6 hanggang 63.
Nagtamo naman ng matinding sugat ang 40-anyos na lalaki mula sa lalawigan ng Quirino na kinailangang putulin ang isang daliri sa kanyang kanang kamay matapos magpaputok ng labintador na isa sa mga ipinagbabawal na uri ng paputok habang ang nag-iisang babae na edad 63-anyos ay naputukan rin sa kaliwang paa sa compound ng simbahan.
Samantala, sampu (10) o 77 percent ang nangyaring insidente sa mga kalye habang apat (4) o 31 percent ang naitalang nakainom ng nakalalasing na inumin ng mangyari ang insidente.
Sumailalim naman sa operasyon ang isa pang pasyente mula sa Nueva Vizcaya ng maputukan ng whistle bomb matapos magkaroon ng fracture sa kanang daliri.
Ayon pa sa DOH, mas mababa ng 50 porsyento ang kasong naitala ngayon kumpara sa nakaraang taon habang maswerte namang walang naiulat na nasawi sa pinsala ng paputok.