13 katao, arestado matapos magpasaway sa panuntunan ng ECQ sa Pasay City

Arestado ang 13 kalalakihan matapos na lumabag sa ilang patakaran ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Maricaban, Pasay City.

Nakilala ang mga dinakip na sina Jayson Templonuevo, Reybaldo Gabijan, Welsam Cugay, Adolfo Canon Jr., Edwin De Asis, Rafael Francisco, Jayson Duquidoc, Arturo Atencio, Arnel Macalalad, Joel Levantino, Saturnino Balatico, Nico Narito at Jairus De Asis.

Nabatid na ilang beses nang sinita ng mga tauhan ng Pasay City Police Station ang 13 na nakitang nakatambay sa may bahagi ng Brgy. 186, bandang alas-11:30 kagabi.


Pero dahil sa katigasan ng ulo at pagbalewala sa pakiusap ng mga otoridad, dito na inaresto ang 13 kung saan sinubukan pa nilang tumakbo pero nakorner na sila ng mga pulis.

Pagsapit sa presinto, kanya-kanyang paliwanag ang mga nadakip at ang ilan sa kanila ay sinabing nagpapahangin lamang dahil sa sobrang init sa loob ng kanilang bahay.

Ipinaliwang naman sa kanila na kaya mariin na ipinapatupad ang ECQ ay upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19 sa nasabing barangay na ngayon ay nasa dalawa lamang ang kumpirmadong kaso.

Facebook Comments