Cauayan City, Isabela- Patay ang labing tatlong (13) katao na kinabibilangan ng pitong (7) bata matapos mahulog sa irrigation canal ang sinasakyang SUV sa bahagi ng Brgy. Bulo, Tabuk City, Kalinga kahapon, Abril-18, 2021.
Ang mga nasawi ay nakilalang sina Soy Lope Agtulao, 36 taong gulang; Judilyn Talawec Dumayom, 31 taong gulang; Alfredo Cutit Lope, 59 taong gulang; Remedios Longey Basilio, 56 taong gulang; Jessabel Basilio Paycao, 27 taong gulang; Sony Puking Lopez, 22 taong gulang; Marlo Gel Perena, anim (6) na taong gulang; Seadarn Talawec Dumayom, limang (5) taong gulang; Scarlet Basilio Paycao, tatlong (3) taong gulang; Jeslyn Talawec Paycao, apat (4) na taong gulang; Cydwin Lope Agtulao, anim (6) na taong gulang; Cyan Lope Agtulao, apat (4) na taong gulang at Ezverdcrick Basilio Paycao, apat (4) na taong gulang.
Samantala, maswerteng nakaligtas ang dalawa sa lulan ng sasakyan na kinikilalang sina Edith Andiso Perez, 51 anyos at Cyril Lope Agtulao, 10-taong gulang.
Batay sa inisyal na impormasyon, binabagtas umano ng isang kulay itim na Ford Everest ang kalsada sa bahagi ng Brgy. Bulo nang bigla itong dumeretso at nahulog sa irrigation canal hanggang sa tuluyang lumubog.
Nagtulong-tulong ang mga rescuers at mga mamamayan sa lugar upang maiahon ang sasakyan at mga biktima kung saan agarang isinugod sa pagamutan ang mga ito.
Sa kasawiang palad, idineklarang dead on arrival (DOA) sa Kalinga Provincial Hospital ang dalawa (2) sa mga biktima habang ang labing isa (11) na isugod sa Mejia Kim District Hospital ay Dead on Arrival din.