Manila, Philippines – Natimbog ang labing-tatlo katao sa magkakahiwalay na operasyon ng SDEU sa Taguig City.
Unang naaresto ang mga suspek na sina Alvin Sibayan, Rex Recto, Regie Bautista at Abraham Ludsiman sa Purok 7, PNR Site, Barangay Western Bicutan kung saan dito na naaktuhan ang mga suspek habang bumabatak ng shabu at nahulihan ng apat na sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.
Sa ikinasa namang buy-bust operasyon sa Caballero Street, Purok 5, Barangay Lower Bicutan, ay nadakip ang isang Edward Baja at nahulihan pa ng tatlong sachet ng suspected shabu at limang daang piso na buy-bust money.
Nahuli naman sa Barangay Hall ng Barangay Lower Bicutan si Ely Torrendon at nakuhanan pa ng isang sachet ng hinihinalang shabu.
Sinasabing nagsumbong kay PO1 Roderick Abrantes si Torrendon na may taong humahabol sa kanya kaya’t dinala ito sa barangay at nang bulatlatin ang kanyang bag ay nakita rito ang isang sachet ng droga.
Sa buy-bust operation naman sa Purok 7, PNR Site, Barangay Western Bicutan, naaresto sina Norhan Akmad, Edgar Allen Valles, Fernando Reblando at Huderi Joel Lumambas at nahulihan pa sila ng limang sachet ng shabu, isang 9mm na baril at ilang drug paraphernalia.
Samantala, sa ikinasang Oplan Sita sa P. Mariano St., Barangay Ususan ay nahuli si Rolando Espiritu at nakuhanan ng isang sachet ng hinihinalang shabu habang natiklo naman sa anti-criminality operation sa MLQ Street sina Federico Belmonte at Allan Belmonte na isang Skyway traffic enforcer at nasabat mula sa kanila ang tatlong sachet ng shabu.
Inihahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa mga nadakip na suspek.