13 Overflow Bridges sa Isabela, Not Passable; Pagpapakawala ng Tubig sa Magat Dam, Ipinagpaliban

Cauayan City, Isabela- Nadagdagan pa ang bilang ng mga overflow bridges sa Lalawigan ng Isabela na hindi pa rin pwedeng madaanan dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog.

Not passable pa rin ang mga overflow bridge sa Baculod at Cabiseria 8 sa City of Ilagan, Cansan overflow bridge na nagkokonekta sa bayan ng Cabagan at Sto Tomas; Mozzozzin Sur overflow bridge na nagkokonekta sa bayan Cabagan at Sta Maria.

Kasama rin ang Alicaocao, Buyon at Turayong overflow bridge sa Lungsod ng Cauayan; Gucab at Annafunan overflow bridge sa bayan ng Echague, Isabela; Sto. Domingo overflow bridge sa Quirino; Addalam at Pungpungan bridge sa Jones, Isabela at Sinaoangan Norte at Masaya Sur overflow bridge sa San Agustin, Isabela.


Mayroon namang mga kasapi ng PNP, mga opisyal ng barangay at ilang miyembro ng Public Order and Safety Division (POSD) na nagbabantay sa mga binahang tulay para maiiwas sa panganib ang sinumang magtatangkang tatawid.

Nananatili naman sa mga evacuation centers ang ilang pamilya na inilikas mula sa mga flood prone areas sa Isabela.

Sa kabilang dako, nakaranas naman ng landslide sa mga kalsada partikular sa bahagi ng Ambaguio, Kayapa at Kasibu sa Lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Samantala, kinumpirma ni Engr. Wilfredo Gloria bilang Department Manager ng NIA-MARIIS na hindi na itutuloy ngayong araw, Oktubre 21, 2020 ang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam subalit may posibilidad na itutuloy ito bukas, Oktubre 22, 2020.

Facebook Comments