Mahigit 130,000 na driver ng mga pampublikong sasakyan ang nabigyan ng tig-P6,500 na fuel subsidy mula sa pamahalaan.
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng fuel subsidy para mabigyan ng ayuda ang lahat ng public utility vehicle (PUV) drivers.
Ang naturang halaga ay sa kabuuang P840 milyon na naipalabas ng gobyerno.
Nilinaw naman ng grupong Piston na sa 40,000 miyembro nila sa Metro Manila ay 10 percent pa lamang nito ang nabibigyan ng fuel subsidy.
Umaasa silang madaragdagan pa ito sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na pamamahagi ng subsidy ng pamahalaan.
Ang fuel subsidy ay ang naisip ng pamahalaan na ibigay na tulong o ayuda sa mga driver ng PUV para mabawasan ang epekto ng serye ng oil price hike.
Kabuuang 264,578 fuel subsidy beneficiaries ang nasa ilalim ng LTFRB habang 27,777 delivery service ang nasa ilalim naman ng Department of Trade and Industry (DTI).