Makakauwi na sa kani-kanilang pamilya ang nasa 13,000 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nakatapos na sa 14-day quarantine period at nag-negatibo sa COVID-19 test.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil dito ay magkakaroon ng espasyo para sa mga paparating pang mga OFW.
Matatandaang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na posibleng hindi kayanin ng quarantine facilities ang inaasahan pang pagdating ng 42,000 OFWs ngayong buwan at sa Hunyo.
Ayon kay Roque, binubulabog na rin nila ang mga ahensya para bilisan ang paglalabas ng COVID-19 test results.
Mula sa 22,432 test results ng OFWs, 465 sa kanila ang nag-positibo.
Samantala, sa huling datos ng Department of Health (DOH), sumampa na sa 2,431 ang bilang ng mga Pilipino sa abroad na nag-positibo sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, 280 ang nasawi, 849 ang naka-recover na habang 1,302 ang patuloy na nagpapagaling.